Friday, June 29, 2012

Don't Get Used to it, Live it.

Malakas at malikot pa rin ang ihip ng hangin.
Wala pa ring kasiguruhan kung kailan ito huhupa at kailan titila ang kasabay nitong ulan.
Malawak ang aking natatanaw ngunit maliit ang mundong aking ginagalawan.
Marahil ako ay nababalot ng takot...
pero hindi ako padadaig dahil kailangan kong lumaki.

Sa ganitong uri ng takbo ng aking buhay,
natutunan ko na ang tao ay nabubuhay hindi upang sanayin ang sarili sa problema
bagkus ang tao ay nabubuhay upang harapin ito bilang bahagi ng kanyang buhay.

Ang taong nabubuhay upang maging sanay sa mga problema ay hindi tumitibay
bagkus siya ay nagiging manhid.
Ang taong humaharap at nakikibahagi sa mga problemang daumarating sa kanyang buhay
ay ang taong marunong "dumapa" at "bumangon".
Sa bawat dapa at bangon, siya ay tumitibay at natututo
at nagiging madali sa kanya ang pagharap sa susunod na problema.

Ngayon, hindi na ako natatakot maulanan dahil alam ko titila rin ito.
Natural lamang sa siklo ng aking buhay na magbago ang timpla ng panahon.
Minsan maulap, minsan may araw at kung minsan umuulan...
ang mahalaga ay alam ko kung papaano harapin ang mga ganitong pagkakataon.

Maraming ulit na akong nadapa at kung minsan ay nasusugatan pa ako at nag-iiwan ng peklat.
Siguro kung hindi ko naranasang madapa
hindi ko matututunan kung paano bumangon.
Bagaman kung minsan ako ay nasasaktan at nasusugatan sa aking pagkadapa,
masasabi ko na ako ay patuloy na babangon at lalaban sa hamon ng panahon.

Ang mga peklat na naiwan ang makakapagsabi na ako ay lumaban at bumangon.

No comments:

Post a Comment